MMDA di magtatalaga ng 'special lane' sa EDSA para sa SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 04:34 PM | Updated as of Nov 28 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Walang special lane na ilalagay sa EDSA para sa mga delegado ng 30th Southeast Asian (SEA) Games, ayon sa tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, sa yellow lane pa rin dadaan ang SEA Games delegates sa EDSA, at hindi na kailangang maglaan ng special lane para sa mga ito dahil hindi naman lahat ng oras ay dadaan sila sa EDSA.

"Maximize lang po natin ang yellow lane. Sisiguraduhin na walang pribadong sasakyan sa yellow lane at may escort naman ng [Highway Patrol Group]," ani Pialago.

Bago nito, iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang pagkakaroon ng lane para sa SEA Games delegates para maiwasan ng mga ito na maipit sa trapiko sa nasabing pangunahing kalsada.

Hindi na rin kailangang suspendehin ang pasok sa lahat ng eskuwelahan sa Metro Manila, gaya ng iminungkahi ng DILG at PNP, ani Pialago.

Mga piling lugar lang naman kasi umano sa Metro Manila ang may sporting events.

"For the rest of the SEA Games, mapapansin na 'yong sporting venues ay halos malapit lang sa mga billeting hotels," aniya. 

Nagsuspende naman ng pasok ang mga sumusunod na pampublikong paaralan, ayon sa MMDA, dahil gagamitin ng SEA Games organizers ang mga classroom nila:

  • Aurora Quezon Elementary School - Manila
  • Gotamco Elementary School - Pasay
  • Andres Bonifacio Elementary School - Pasay
  • Rafael Palma Elementary School - Pasay
  • Oranbo Elementary School - Pasig
  • Bagong Ilog Elementary School - Pasig

May mga unibersidad at kolehiyo ring nagsuspende ng pasok mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 6 o 7, ayon sa listahan ng Commission on Higher Education:

  • Arellano Law School - Hanggang Disyembre 7 
  • St. Scholastica - Hanggang Disyembre 7 
  • St. Paul College Pasig - Hanggang Disyembre 6
  • St. Pedro Poveda College - Hanggang Disyembre 6
  • De La Salle University Taft - Hanggang Disyembre 6
  • Dela Salle College of St. Benilde - Hanggang Disyembre 6

 

Pumayag na rin ang grupo ng mga trucker na hindi nila gagamitin ang North Luzon Expressway mula alas-11 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Sabado para sa opening ceremony ng SEA Games, na idaraos sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

May 140 bus na bibiyahe para sa mga manonood sa Philippine Arena. May bayad itong P150 mula Parañaque Integrated Terminal Exchange at SM Mall of Asia, at P100 mula Trinoma, Ayala Cloverleaf, at SM Clark.

Ayon kay Brig. Gen. Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police Officer (NCRPO), magpapatupad sila ng mas mahigpit na seguridad at babantayan ang mga teroristang grupo kaugnay ng SEA Games.

"We are also connecting with our counterparts doon sa Mindanao, kung may mga movement ba doon ng mga Abu Sayyaf, ISIS-affiliated, na papunta rito sa Maynila," ani Sinas.

Magpapakalat ng advanced critical response team ang NCRPO, na isasakay nila sa mga bus na pinariham ng isang pribadong kompanya.

Umapela rin si Sinas sa mga organizer at team manager na ipaalam sa kanila sakaling may mga bisita mula ibang bansa na gustong mamasyal, para mabigyan nila ng seguridad.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.