Tulong, hiling sa Pasko ng sundalong nasabugan sa mukha sa Marawi

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 11:37 AM | Updated as of Nov 30 2018 07:24 PM

Hindi makakain ng maayos si Staff Sergeant Sammy Galapon matapos na madurog ang kaniyang panga nang masabugan ng improvised explosive device habang nakikipagbakbakan sa Marawi. Grace Alba, ABS-CBN News

BACARRA, Ilocos Norte - Umabot ng halos limang buwan ang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at grupo ng Maute sa Marawi noong nakaraang taon.

Pero sariwa pa rin kay Staff Sergeant Sammy Galapon ng Barangay 18, at miyembro ng Philippine Army ang hamong kaniyang hinarap kasama ang daang-daang sundalo sa Marawi.

“Nagpapasalamat ako dahil buhay pa ako,” sabi ni Galapon.

Napapaluha ito tuwing maaalala niya ang karanasan sa Marawi lalo na’t ang bakas na iniwan nito ay kita sa sugat na kaniyang tinamo sa mukha.

Nasabugan ang mukha ni Galapon ng imrovised explosive device o IED habang nakikipaglaban. Hindi na siya makakain ng maayos dahil nadurog ang kaniyang panga at nabulag rin ang kanang mata.

Hiling niya ngayong Pasko ay mapaayos ang kaniyang panga.

“Sana maayos na itong panga ko para makakain nang maayos,” sabi ni Galapon.

Hindi raw sapat ang pinansiyal na tulong na ibinigay ng gobyerno sa kaniya.

Nakabasyon muna si Galapon dahil sa kaniyang sitwasyon. Kapag tuluyan na raw siyang gumaling, magsisilbi ulit siya sa bayan bilang sundalo pa rin.

Sa ngayon, ang paggawa ng duyan ang kaniyang pinagkakakitaan. Hiling din niya sa gobyerno, partikular kay Pangulong Rodrigo Duterte, na mabisita at mabigyan din ng tulong ang kaniyang mga kasama na nasa ospital pa rin hanggang ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.