ALAMIN: Sino ang mga madaling maakit sa terorismo?

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 05:38 PM

Isa sa mga nagsilbing motibo ng teroristang grupong Maute sa paglusob nila sa Marawi ang violent extremism, o ang paniniwala na sa paggamit ng dahas makakamit ang isang tunguhing may kinalaman sa politika o relihiyon.

Madali umanong maimpluwensiyahan ng konseptong ito ang mga kabataan kaya sila ang madalas na target ng extremist groups.

Kaya ipinaliwanag at ipinaunawa ng ilang propesor sa mga mag-aaral sa Iligan City, na kalapit na lungsod ng Marawi, ang konseptong ito.

Batay sa pag-aaral, "vulnerable" o madaling maengganyo sa violent extremism ang mga batang mahilig sa marahas na online games.

Paliwanag ni Mark Anthony Torres ng Institute for Peace and Development in Mindanao, mistulang nagiging normal ang pagiging marahas sa paningin ng taong palaging nakatutok sa online games.

Inaalis din nito ang kakayahan nilang magkaroon ng simpatiya sa kapuwa.

Ayon naman kay Primitivo Ragandang, isang propesor, puwedeng gamitin ng mga kabataan ang social media upang mailabas ang kanilang mga hinaing.

Sa ganitong paraan hindi sila nagkikimkim ng agresyon.

Batay din sa pag-aaral, mas madaling matutunan ng mga bata ang pakikipagkapuwa kung naituturo ito sa paraang nakaaaliw gaya ng mga laro. -- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.