South Korean na suspek sa kasong swindling, timbog sa Cagayan de Oro

Vernie Damolo, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 10:06 PM

Inaresto ang South Korean na si Shin Jaewon na nagtago sa Cagayan de Oro dahil umano sa mga kaso ng swindling at fraud sa kaniyang bansa.

CAGAYAN DE ORO - Isang South Korean na wanted sa kasong swindling at fraud sa kaniyang bansa ang inaresto sa isang hotel sa lungsod na ito Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Shin Jaewon, 38.

Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek matapos makatanggap sila ng impormasyon mula sa South Korean Embassy na nagtatago ang suspek sa Mindanao.

"Ang buong akala namin nasa Davao. Then, after a thorough surveillance from our intelligence operatives, we found out na dito siya nagtatago sa Cagayan de Oro," ani Andy Maca-ayan, direktor ng BI Regional Intelligence.

Aniya, inamin ng suspek na pagbebenta ng gold bars ang kanyang naging negosyo dito sa bansa.

Tinangka din umano ng suspek na suhulan ang mga awtoridad ng P200,000 at gold bars kapalit ng kanyang kalayaan, nang maaresto ito.

Kinonsidera na ang suspek na undocumented alien. Kinansela na din ng Korean government ang pasaporte ni Shin, na nag-overstay sa Pilipinas.

Nakatakdang i-turnover ng BI si Shin sa mga opisyal ng embahada ng South Korea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.