SAPUL SA CCTV: Tindahan nilooban sa Laoag

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 02:07 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

ILOCOS NORTE—Nirehasan na ni Dante Cudiamat ang itaas ng sliding gate ng kanilang tindahan sa Barangay 4 sa Laoag City, Ilocos Norte. 

Dito kasi umakyat ang lalaking nanloob sa kaniyang tindahan na nakuhanan sa closed-circuit television (CCTV) camera.

Pasado alas-3 ng madaling-araw noong Nobyembre 13, makikita sa footage ang isang lalaking nakabisikleta.

Huminto ito sa harap ng commercial establishment kung saan nakapuwesto ang tindahan ni Cudiamat.

Pasilip-silip ang kawatan hanggang sa umakyat at pumasok ito sa loob ng establisimyento. 

Nag-ikot ang lalaki sa iba pang kainan sa loob hanggang sa pasukin ang sari-sari store ni Cudiamat.

Dumaan ito sa gilid ng tindahan na tinakpan lang ng plywood. Paglabas ng tindahan, may bitbit na itong plastic bag.

Laking gulat ni Cudiamat nang makita na magulo at wala na ang ilan sa kaniyang paninda, tulad ng higit 20 pakete ng sigarilyo. Tinangay rin ang pera sa loob ng tindahan.

"Tiningnan ko ‘yong pera at sigarilyo wala na," ani Cudiamat.

Umabot sa P4,000 ang halaga ng natangay ng kawatan. Tukoy na ang pagkakakilanlan ng lalaki na ngayon ay pinaghahanap ng mga pulis.

"Dati na siyang may record rito. Actually, na-convict na siya sa kasong pagnanakaw noon," ani Police Lt. Alice Vicente ng Laoag City Police Station.

Paalala ng mga awtoridad, posibleng tumaas ang bilang ng mga insidente ng pagnanakaw ngayong magpa-Pasko.—Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.