Class suspension sa Metro Manila itinutulak para SEA Games traffic maiwasan

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 03:04 PM | Updated as of Nov 27 2019 08:12 PM

Tinutulak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang pagsuspende ng klase sa lahat ng paaralan sa Metro Manila para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsadang dadaanan ng mga delegado ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Sa ganoong paraan, mababawasan ang mga sasakyan sa kalsada, na makatutulong umano para makarating sa tamang oras ang mga atleta at iba pang delegado sa mga venue ng palaro.

“That would be a big help in alleviating traffic problem sa Metro Manila. Maraming venues sa Metro Manila. That is one measure we support,” ani DILG Spokesperson Jonathan Malaya.

Sa ngayon, ilang paaralan pa lang na malapit sa ilang game venue sa Metro Manila ang nagsuspende ng klase para sa SEA Games.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan din umano ng DILG at PNP ang paglalaan ng isang lane sa EDSA para sa SEA Games delegates.

"Sa ngayon, pinag-aaralan pa kung gagawin 'yong ganoong sistema katulad ng mga pinagdaanan ng malaking events like APEC and Asean Summit na may dedicated lanes," ani PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.

Sa dry run ng traffic scheme para sa SEA Games, ilang mistulang convoy ng mga delegado ang naipit sa trapiko sa EDSA kaya nahuli sa kunyaring opening ceremony ng palaro sa Philippine Arena sa Bulacan.

Nakatakda ang opening ceremony ng 30th SEA Games sa Nobyembre 30. Tatagal ito hanggang Disyembre 11.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games