57 pamilyang biktima ng lindol sa Davao del Sur, nai-relocate na

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 11:00 PM

Ilang trabahador ang nagsisimulang gumawa ng mga bahay sa relocation site ng mga naapektuhan ng lindol sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur noong nakaraang buwan.

MAGSAYSAY, Davao del Sur- Tulong-tulong na nagtayo ng kani-kanilang mga bagong bahay ang mga benepisyaryo ng relokasyon sa Purok 4, Barangay Malawanit sa bayan na ito nitong Martes.

Aabot sa 2.8 ektarya ang lupa na paghahatian ng mga benepisyaryo na aabot sa 57 na pamilya. Bawat isa sa kanila ay mabibigyan ng 8 x 10 meters na lupa.

Malaking pasasalamat ang pinaabot ng mga apektadong residente. Anila, maagang pamasko ito para sa kanila.

Nakapagbigay naman ng paunang bayad ang barangay sa may-ari ng lupa mula sa tulong pinansyal ng Dumper Party-list at ni Davao Occidental Governor Claude Bautista.

Inaasikaso na rin ng barangay ngayon ang dokumento para makuha ang deed of sale ng lupa.

Bukod sa lupa, marami rin ang nag-donate ng gamit para sa paggawa ng bahay, kagaya ng yero, pako, semento, at iba pa.

Patuloy na nakikipag-usap ang pamahalaan ng Magsaysay sa iba pang may-ari ng lupa ng bayan, para mabigyan ng relokasyon ang iba pang mga bakwit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.