Lalaking nanaksak sa dating kasintahan, sumuko sa pulisya

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 06:04 PM

BATAC CITY -- Sumuko sa pulisya ang isang lalaki matapos nitong saksakin ang dating kasintahang nagpapagaling sa isang ospital sa lungsod na ito Linggo ng madaling araw.

Kuwento ng tiyahin ng biktima, lumuwas sila sa Batac City mula sa Maynila para dumalo sa isang salo-salo.

May katagpo umano ang kaniyang pamangkin noong Biyernes pero hindi na ito umuwi.

Sabado na nang nalaman nilang nasa ospital ito dahil nahulog sa motorsiklo.

Inilipat sa ibang ospital ang biktima at dito na siya pinuntahan ng suspek.

Nagtamo ng sugat sa leeg at kamay ang biktima.

Ayon sa pulisya, inamin umano ng biktima na minamaltrato ito ng suspek na dating kasintahan.

Para sa pamilya ng biktima, dapat ay mahigpit ang ospital sa mga papasok, lalo na't walang nakakita na may dalang kutsilyo ang suspek.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng ospital sa nangyaring insidente.

Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa pulisya at kasalukuyang nakakulong sa istasyon ng pulis sa Batac City.

Tumanggi na itong magbigay ng pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.