1 patay, 3 sugatan sa pagsabog ng granada sa Mandaluyong

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2019 01:36 PM

Kuha ng Mandaluyong Police

MAYNILA - Isa ang patay habang tatlo ang sugatan sa pagsabog ng isang granada sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City nitong Linggo.

Kinilala ang nasawi na si Roger Barcelo. Sugatan naman sina Rogelio Tolentino, Merlina Gembaro, at Edwin Rodas.

Kinabitan ng granada ang motorsiklo ni Police Staff Sgt. Aldin Saligo, na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Mandaluyong Police, ayon kay Mandaluyong Police chief Col. Remigio Sedanto.

Hindi ito napansin ni Saligo at nang dumaan sa isang humps sa Martinez Street, sumabog ang granada at nadamay ang kasunod na tricycle na sinasakyan ni Barcelo.

Tinamaan naman ng fragments ang 3 biktima na nasa gilid ng daan.

Ayon kay Sedanto, maaaring ang Eric Oduca drug group ang nasa likod ng pagpapasabog at tangkang pagpatay sa pulis.

Ito na ang ika-4 na pagkakataon na may nagtangka sa buhay ni Saligo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.