'Mga bagong terorista, mas maimpluwensiya kaysa Maute'

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 11:32 PM | Updated as of Nov 24 2017 11:34 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Mas malaki at mas malakas pa kaysa sa Maute group ang pinangangambahang nabubuo ngayon matapos lumabas ang pangalan ng mga posibleng susunod na lider ng mga terorista sa Pilipinas. 

Kung magsasama-sama ang apat na sinasabing posibleng susunod na lider ng mga teroristang grupo, mas malawak ang impluwensya ng mga ito dahil nasa 13 bayan ang sinasabing mga stronghold kung saan sila maaaring mag-recruit at magtayo ng kampo.

Nasa dalawang bayan lang kasi ang impluwensiya ng Maute brothers kumpara sa 13 bayan ng apat na terorista. 

“We don’t want another Marawi to happen again. We have to be more cautious of securing not only Lanao del Sur, Marawi City, but also other areas,” ayon kay Assemblyman Zia Alonto Adiong.

Pero ayon sa militar, malabo sa ngayon na makapag-regroup ulit ang mga teroristang grupo.

"Isang factor na malaki ay ‘yung ating mga kababayan na rin because they are now aware of what can happen," ayon kay Col. Romeo Brawner ng Task Force Ranao. 

Sa kabila nito, seryosong tinitingnan ngayon ang lahat ng impormasyon para hindi na maulit ang "misappreciation" ng intelligence information na nagresulta sa giyera ng Marawi.

Samantala, nakatapak nitong Biyernes sa unang pagkakataon ang mga imam at sultan sa masjid na kanilang kinalakihan sa Marawi.

Masakit sa kanila na tanggapin na isa na lang ngayong alaala ng mapait na digmaan ang Grand Mosque na naitayo dahil sa donasyon ng mga Maranao.

Ayon sa Marawi local government, nasa P90 bilyon ang kakailanganin para maibangon ulit ang Marawi.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.