Lalaki patay sa pananaksak sa Leyte dahil umano sa selos

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 08:47 PM

TANAUAN, Leyte - Patay ang isang lalaking nagkakape matapos saksakin ng isang habal-habal driver Miyerkoles ng hapon sa Tanauan, Leyte.

Base sa impormasyon mula sa Police Regional Office 8, nangyari ang krimen sa Barangay San Roque sa nasabing bayan.

Kinilala ang biktima na si James Candela at nakilala naman ang suspek na si Constancio Lumanta.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Tanauan Police, lumalabas na nagkakape ang biktima sa isang panaderya na katabi ng isang parlor kung saan nagtatrabaho ang misis ng suspek at regular customer naman ang biktima.

Selos umano ang isa sa mga motibo sa krimen. Nilapitan ng suspek ang biktima at nagkaroon sila ng komprontasyon na nauwi sa argumento kung saan kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ng dalawang beses sa dibdib ang biktima.

Nadala sa Leyte Provincial Hospital si Candela ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Agad nahuli ng mga pulis si Lumanta at nakuha ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.