Mga napuruhan ng bagyo sa Batangas City unti-unti nang bumabangon

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2020 07:51 PM

Bakas pa rin ang tindi ng pinsala ng mga barangay sa tabingdagat ng Batangas City na napuruhan ng mga magkakasunod na bagyong dumaan sa Luzon. ABS-CBN News

MAYNILA - Mga barangay sa tabingdagat ng Batangas City ang napuruhan sa magkakasunod na bagyong dumaan sa Luzon.

Bakas pa rin ang tindi ng pinsala. Durog ang mga kalsada at mga protection dike. Unti-unti nang napapasok ang ilang lugar sa Batangas City na na-isolate matapos ang magkakasunod na bagyo.

Sa Sitio Maalbo sa Barangay Dela Paz, pinagtagpi-tagpi ng mga residente ang mga natirang piraso ng kanilang mga bahay na nilamon ng daluyong para sa pansamantalang masisilungan.

"Sabi ko nga po kahit balinghoy (kamoteng kahoy) wala ho kami
ngayon mabunot, dati nagtatanim kami riyan, kapag nagugutom
mga bata ay ihuhukay ko ng balinghoy, ngayon eh wala na," ayon sa residenteng si Juliana Marasigan.

"Pati aming mga kaldero dala, ang aming lalagyan ng damit durog na durog kung hindi kami nag-agaw ng mga damit sa lupa, binanlawan sa dagat ,wala na kami maisuot," anang residente na si Marivic Serrano.

Napapasok na ang limang sitio ng Barangay Talahib Pandayan matapos masira ng matinding baha ang mga daan sa lugar.

Kasama ng baha ang mga bato na dumausdos mula sa kabundukan patungo sa mga ilog.

Humupa na rin ang tubig at doon na muna pansamantalang dumaraan ang mga sasakyan para marating ang iba pang nahiwalay na sitio.

Pinuntahan din ng ABS-CBN News ang Sitio Tibig, dala ang mga relief goods mula sa Lingkod Kapamilya. Tinahak ng mga residente ang bundok para makuha ang ayuda.

Nasa 400 pamilya ang nawasak ang mga bahay sa Barangay Talahib Pandayan dahil sa bagyo.

"'Yung mga bahay na 'yun walang traces na nagkabahay doon sapagkat ang mga bahay noong kinuha ng alon pati mga poso negro dala papunta sa dagat," ayon kay barangay chairman Mike Makalalad.

Nagpapasalamat ang mga taga-Barangay Talahib Pandayan na marami ang nagpaabot ng tulong nang mapanood ang sinapit ng kanilang barangay.

"Maraming salamat po sa ABS-CBN kahit papaano ay hindi kami nakakalimutan," ani Serrano.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.