Matagal na pagproseso sa terminal pay inireklamo ng ex-city hall employee

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Siyam na taong nagserbisyo bilang civilian security unit officer sa pamahalaang lokal ng Angeles, Pampanga si Rodel Baloloy.

Hindi regular ang posisyon ni Baloloy, 40, at nang umupo ang bagong administrasyon ay natanggal siya sa trabaho.

"Sinabi na rin sa'kin ng [officer in charge] namin na hindi na ako ma-absorb at aalisin na sa'kin 'yong posisyon ko," aniya.

Boluntaryong nag-resign si Baloloy at agad inasikaso ang mga dokumento para makuha ang higit P30,000 terminal pay.

Sabi raw kay Baloloy ay walang pondo ang pamahalaan lokal para sa kaniyang terminal pay pero may ibang manggagawang nabigyan nito.

"Dapat nagbigay kayo ng isa, dapat parehas bibigay niyo lahat," ani Baloloy.

Katanggap-tanggap ang dahilan ng pamahalaang lokal kay Baloloy pero nakapagtataka kung bakit may ibang naunang nabayaran, ayon kay Maria Luisa Salonga-Agamata, direktor ng public assistance and information officer ng Civil Service Commission (CSC).

"Puwede naman 'yong rason na kasi bigla-bigla, so wala nakahandang fund, kailangan pang mag-request ng funding," ani Agamata.

"Pero ang nakakapagtaka, 'yong iba nakatanggap," dagdag niya.

Hindi nagbigay ng paliwanag ang pamahalaang lokal kung bakit may manggagawa na inuna nilang bayaran.

Matapos ang halos 4 na buwang paghihintay, nakuha naman ni Baloloy ang kaniyang terminal pay.

Iginiit naman ng CSC na 3 hanggang 7 araw lang dapat itagal ng mga transaksiyon sa gobyerno, kabilang ang pagbibigay ng terminal pay.

Dalawampung araw naman ang ibinibigay para sa iba pang highly-technical transactions.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11032 o Anti-Red Tape Act of 2007, sa unang offense, maaaring patawan ng 6 na buwang suspensiyon sa trabaho ang sino mang opisyal ng gobyerno na hindi makakasunod sa itinakdang timeline.

Inaabisuhan din ng CSC ang publiko na mag-report sa kanila kung may mga natetenggang transaksiyon sa gobyerno.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.