200 pamilya isolated dahil sa gumuhong tulay sa Cagayan

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2019 02:53 PM | Updated as of Nov 16 2019 07:41 PM

Tinatayang nasa 200 pamilya ang isolated ngayon matapos na gumuho ang overflow bridge sa Barangay Patunungan sa bayan ng Sta. Ana sa Cagayan dahil sa pagragasa ng tubig mula sa ilog nang manalasa ang bagyong Quiel noong nakaraang linggo.

Ayon kay Pastor Jowel Pernada ng Sta. Ana Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, pahirapan para sa mga residente ang paglabas-masok sa barangay dahil sa nasirang tulay. 

May ibang residente ang tumatawid kapag mababa ang tubig sa ilog.

“Kung 'yung single na motor, puwede nilang buhatin para makabili ng pangangailangan na doon sa market po,” sabi ni Pernada.

Samantala, nakapagtala naman ng mga landslide sa Barangay Patunungan nitong Biyernes. Agad namang naitabi ang mga gumuhong lupa sa kalsada ng mga heavy equipment ng Department of Public Works and Highways at mga pribadong construction company na dumaraan dito. 

Isang bahagi ng sementadong kalsada sa barangay ang gumuho rin subalit tinabunan na ito ng lupa at graba para madaanan na rin ng mga sasakyan.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.