Mala-Catriona walk at serve ng volleyball player, nag-viral

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 10:35 AM

 

Kung sa mga beauty pageant ay inaabangan ang signature walk ng mga kandidatang pambato ng Pilipinas, may isang signature serve naman ang kakaibang ipinamalas ng isang batang manlalaro ng volleyball sa Iloilo City.

Umabot na sa higit 6,000 shares at 11,000 likes sa Facebook ang videong naiupload ni Harold June Cañonaso ng batang manlalarong si Gian Carlo Calugas ng Dorog Elementary School.

Sa video, makikita ang pagrampa mala-lava walk ni Miss Universe Catriona Gray si Calugas bago mag-serve sa volleyball game ng 2nd Congressional Meet sa Pavia, Iloilo noong Nobyemre 8.

Ayon kay school principal Kem Cabarles, nagspi-split, tumbling at dive din si Calugas sa court habang tumatanggap ng bola.

Ito aniya ang kaniyang paraan para ma-distract ang mga kalaban sa laro.

Nagsisilbi ring "lucky charm" ng paaralan si Calugas sa kanilang mga sinasalihang palaro.

Dagdag ni Cabarles, malaking fan ni Miss Universe Catriona Gray ang bata kaya lagi niyang tinitiyak na maideliver sa sariling catwalk ang kaniyang signature walk.

Naiuwi ng kanilang paaralan ang bronze medal sa naturang palaro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.