Paalala ng DOH para sa taglamig: Ubo, sipon huwag balewalain

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 10:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang sunog sa Santa Cruz, Maynila noong nakaraang buwan, sa bangketa na nakatira si Rachel Peregrino at ang kaniyang pamilya, kasama ang iba pang nawalan ng tirahan.

Problemado si Peregrino sa malamig na panahon ngayong "ber" months dahil inuubo na ang kaniyang 3 buwang gulang na anak.

Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mauuso na naman ang ilang sakit gaya ng ubo, sipon, hika, trangkaso, at maging bronchitis ngayong malamig ang panahon. 

Hindi dapat balewalain ang simpleng ubo at sipon dahil maaari itong lumala at mauwi sa ibang kondisyon, gaya ng pneumonia, ayon kay Dr. Ma. Paz Corrales, assistant director ng DOH sa National Capital Region.

Mas mahirap din daw kung hindi nagpapakonsulta ang isang tao sa doktor at nagsasarili sa pag-inom ng gamot.

Ipinayo rin ni Corrales ang pag-iwas sa bara-barang pag-inom ng antibiotics lalo kung viral ang sakit dahil walang epekto ang antibiotics sa mga virus.

Pinakamadaling kapitan ng sakit ang mga bata at matatanda dahil mahina ang kanilang immune system, ayon kay Corrales.

Para maiwasang maperwisyo ng sakit, dapat umanong matulog nang sapat, kumain ng masustansiyang mga pagkain, uminom ng 8 hanggang 10 baso ng tubig kada araw, at mag-ehersisyo.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.