Infra projects, di emergency powers, mas gusto ni Duterte kontra traffic

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 11:51 PM | Updated as of Nov 13 2019 12:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Imbes na mabigyan ng emergency powers, nais na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte na paspasan ang paggawa ng infrastructure projects, para masolusyunan umano ang mabigat na trapiko sa Kamaynilaan. 

Ito ay sa kabila ng una niyang mungkahi na mabigyan ng emergency powers para mabilisan ang pagproseso ng mga proyektong makakatulong para maiwasan ang trapiko. 

Sa pagdiriwang ng kaarawan ng mag-asawang congressman na sina Lord Allan Jay Velasco at Wen Velasco noong Lunes na gabi, sinabi ni Duterte na inayawan na niya ang panukalang emergency powers dahil may mga nagsabing baka magkaroon lang ng korupsiyon. 

"Sabi ko, 'wag na lang, sabi ko 'Let EDSA rot.' Didistansiya ako diyan, habulin ko na lang 'yung mataas na skyways," ani Duterte. 

Dati na ring sinabi ni Duterte na hayaan na lang ang EDSA na ma-bulok (rot) sa isang talumpati noong Agosto. 

Tingin din ni Duterte na hindi matatapos sa kaniyang termino ang mga proyekto, kahit pa man mabigyan siya ng Kongreso ng emergency powers. 

"'Di ko talaga matapos 'yan at 'pag di mo natapos nabigyan ka ng pera, ganu'n karami na emergency powers. You can buy there, buy here without any bidding kala mo iyo 'yung pera, it is as if pera mo 'yan then you leave the office di tapos, sabihin ng tao nagbigay ka ng pera binigay na lahat, kita mo iniwan di tapos, kurakot," ani Duterte. 

"I'm trying to really hurry up 'yong nagko-construct niyan so that it will alleviate the problem. It will not solve the EDSA problem even about two presidents from now mahirapan. We can minimize the decongestion but to really make it work as EDSA we have to do so many things," ani Duterte. 

Pero para kay Manny Lopez, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, hinahamon lang ni Duterte ang mga namomolitika. 

"Sawang-sawa na siya sa mga pulitika na nangyayari. Ngayon ang atas po sa inyo bagamat nagbigay na ng pahayag ang presidente hamon ho 'yun," ani Lopez. 

Muling iginiit ng Marikina 1st District Rep. at dating Metropolitan Manila Development Authority Chief Bayani Fernando na organized bus system ang solusyon sa matagal nang problema sa trapiko sa EDSA. 

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.