Publiko binalaan sa health problems bunsod ng matinding trapiko

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 05:07 PM | Updated as of Nov 11 2019 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nagbabala si Health Secretary Francisco Duque at iba pang mga doktor laban sa mga problema sa kalusugan na bunsod ng stress na dulot ng mabigat na daloy ng trapiko.

Kabilang sa mga problemang maaaring idulot ng trapiko ay mga cardiovascular disease o mga sakit sa puso, ayon kay Duque.

Kapag uminit kasi ang ulo ng isang tao sa gitna ng trapiko, maaaring tumaas ang blood pressure niya at atikihin siya sa puso, ani Duque.

"Do not curse the traffic because if you do that, tataas ang [blood pressure] mo, baka atakihin ka," aniya.

Ayon naman kay Dr. Ma. Loida Alzona, direktor ng Health, Public Safety, and Environmental Protection unit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), maaari ring mauwi sa road rage o matinding away sa kalsada ang stress sa trapiko, at maaaring maging sanhi ng pagkamatay.

"Ito 'yong dahilan ng mga road rage... puwedeng makamatay ang traffic," aniya.

Nagbabala ang mga health expert dahil sa inaasahang pagbigat sa daloy ng trapiko sa mga susunod na buwan, bunsod ng "ber" months at Southeast Asian (SEA) Games na idaraos sa bansa.

Nauna nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpapatupad sila ng "stop and go" scheme sa EDSA at ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila para bigyang daan ang pagbiyahe ng mga atleta at delegado ng SEA Games.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games