Tsuper sinaksak ang kainuman matapos siyang tawaging 'engkanto'

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 02:41 PM

Napatay ang isang pedicab driver sa Iloilo City matapos umanong saksakin ng kaniyang kapuwa pedicab driver noong hapon ng Sabado.

Magkasamang nag-iinuman ang suspek na si Melvin Caserial, 53, at biktimang si Alan Jimena, 43, sa isang kalye sa South Fundidor, Molo district nang magkapikunan ang dalawa, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

"Napikon ang suspek dahil tinawag itong engkanto kaya hindi na siya nakapagpigil ng sarili at nasaksak niya ang biktima," ani Police Maj. Engilbert Banquillo, hepe ng Molo police.

Dinala ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay matapos magtamo ng 4 na saksak sa dibdib. 

Nahaharap si Caserial, na nakapiit sa Molo Police Station, sa kasong homicide.

—Ulat ni Hernani Escullar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.