3 sugatan, alkalde ligtas sa pananambang sa Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 02:26 PM

Sugatan ang 3 katao habang nakaligtas ang alkalde ng Masiu, Lanao del Sur mula sa pamamaril nitong Linggo ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa tiyan ang police escort na si Police Corp. Jabbar Pangandaman, habang tinamaan din ng bala ang driver na si Jamal Pangandaman at isang empleyado ng munisipyo na si Casanoding Mangandog.

Nasa mabuting lagay naman si Masiu Mayor Nasser Pangandaman Jr.

Patungo sana ang alkalde sa bayan ng Masiu mula Marawi City nang pagbabarilin ang sinasakyang AUV sa bayan ng Buadipuso Buntong, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya.

-- Ulat ni Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.