Programang K to 12 konstitusyonal ayon sa SC

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 05:01 PM | Updated as of Sep 08 2019 03:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang mga petisyon ng mga paaralan, guro, at mga mambabatas laban sa pagpapatupad ng K to 12 program sa Pilipinas. 

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Benjamin Caguioa at inilabas noong Nobyembre 9, sinabi ng Korte Suprema na "constitutional" o hindi labag sa Saligang Batas ang Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 at ang RA 10157 o Kindergarten Education Act.

Ibinasura rin ang mga paratang na lumabag sa Saligang Batas ang programa nang gawing "sapilitan" ang pagpasok sa mga estudyante sa kindergarten at senior high school, at magdaragdag pa umano ng obligasyon sa mga magulang at estudyante. 

Pinalawig ng programa ang basic education program sa required na Kindergarten at 12 taon, mula 10 taon, na basic education cycle. 

“The enactment of education laws, including the K to 12 Law and the Kindergarten Education Act, their respective implementing rules and regulations, and the issuances of government agencies are an exercise of the State’s police power. The State has an interest in prescribing regulations to promote the education and the general welfare of the people,” ayon sa korte. 

Paliwanag pa ng korte, bilang isang batas ay may "presumption of constitutionality" ang K to 12 program at ipahihinto lamang ito kung mapatutunayang ilegal o nagkaroon ng grave abuse of discretion sa panig ng mga gumawa. 

Hindi rin anila napatunayan ng mga petitioners na may abusong naganap sa pag-arangkada ng programa. 

Tinanggal na rin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na inilabas nito noong 2015 na nagpatigil sa Memorandum No. 20 ng Commission on Higher Education na nagtatanggal sa mga subjects na Filipino at Panitikan sa core courses sa kolehiyo.

Nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III bilang ganap na batas ang RA 10533 noong 2013, na pinalawig ang 10-year basic education cycle sa 12 taon. 

Layon din nitong ihanda ang mga high school graduate sa pagsabak sa kolehiyo o para makakuha ng trabaho, bagay na tinutulan ng ilang grupo dahil sa umano'y kakulangan sa paghahanda sa programa. 

-- May ulat nina Ron Lopez at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.