Barkong sumadsad noong bagyong Yolanda, ginawang memorial para sa mga nasawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 11:52 PM

Anim na taon matapos manalasa ang bagyong Yolanda, bakas parin sa isipan ng mga taga-Tacloban, Leyte ang nangyaring kalamidad.

Kaya nag-alay ng misa, bulaklak at kandila ang lokal na pamahalaan para sa mga biktima ng nasabing bagyo sa Yolanda Shipwreck Memorial Park, kung saan isang barko na sumadsad noong kalamidad ang ginawang memorial nitong Huwebes.

Nagsagawa ng wreath-laying ceremony ang mga lokal na opisyal sa harap ng nasabing barko, ang MV Eva Jocelyn.

 

Hinikayat ni Mayor Alfred Romualdez ang mga nakatira sa 40-meter no build zone na kinonsiderang danger zone ng pamahalaan, na hindi na magmatigas at lisanin ang tabing dagat. 

"Ano 'yung natutunan natin? 'Yan ba ay pinapraktis natin ngayon? 'Yan ba ang tinuturo natin sa susunod na henerasyon? Imbes na nakikipagsagutan pa tayo at nakikipagtalo na umiwas na sa mga danger zone, hanggang ngayon meron pa nakikipagtalo," aniya.

Anim na taon mula ng manalasa ang Yolanda ay marami pa din sa mga pamilya ang nakatira sa tabing dagat dahil marami sa mga itinayong pabahay sa relocation site ay hindi pa naaayos at wala paring linya ng tubig.

Kaya karamihan sa mga informal settlers ay bumalik sa kanilang dating tinitirahan malapit sa coastal area.

- Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.