Temporary shelters itatayo para sa mga nawalan ng tirahan sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 03:55 PM | Updated as of Nov 06 2019 07:16 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Sa isang tent sa Makilala, Cotabato kasalukuyang tumitira ang pamilya ni Myra Egianon matapos mawalan ng bahay kasunod ng serye ng mga lindol na tumama sa Mindanao noong nakaraang buwan.

"Kung sino man gustong tumulong para maalis kami diyan, hindi naman namin kailangan makagawa ng ganito, kahit barong-barong lang makasimula kami para hindi naman kawawa 'yung mga anak ko," panawagan ni Egianon.

Mahirap ang buhay sa tent dahil tinitiis nila ang sama ng panahon at mga banta sa kanilang seguridad, ayon kay Egianon.

"Hindi normal ang buhay namin natatakot kami. Kapag umuulan, natatakot kami," aniya.

Naghahanda na ang lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng mga temporary shelter para sa mga nawalan ng tirahan dahil sa mga lindol, sabi ni Cotabato acting governor Emmylou Mendoza.

"Parang gagawa ka ngayon dito ng bagong community. Magsisimula lahat," ani Mendoza.

Aabutin nang taon at bilyong pisong halaga ng pondo para ma-rehabilitate ang Cotabato, ayon kay Mendoza.

Hangad ng gobernador na makakuha ng tulong pinansiyal mula sa national government at mga pribadong donor para matulungan ang mga taga-lalawigan na makapagsimula ulit.

Ayon kay Mendoza, gagamitin nila ang datos mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) para matukoy ang mga lugar na ligtas pagtayuan ng mga bahay.

Tinatayang nasa 21,234 bahay ang gumuho dahil sa serye ng mga lindol sa Cotabato, ayon sa tala ng provincial government.

Bukod sa mga nawalan ng mga matitirhan, may mga pamilya ring nawalan ng mga mahal sa buhay.

Umabot na sa 17 tao ang naiulat na namatay sa Cotabato habang 7 tao ang nawawala.

Ang 7 nawawala ay pinaniniwalaang nabaon sa mga guho ng lupa sa mga barangay ng Bato at Malasila sa bayan ng Makilala.

Isa ang 15 anyos na anak ni Rolando Ancero Sr. sa mga nabaon sa mga guho ng lupa habang nag-aani ito ng luya.

"Tanggapin ko na lang. 'Di natin alam na darating lindol na 'yan. Kahit masakit sa loob ko," aniya.

Nawawala rin dahil sa pagguho ng lupa ang mister ni Juliana Dayday.

"Mga anak ko, gusto nila makita sa huling pagkakataon, makita ang kanilang ama," ani Dayday.

Itinigil ang search and rescue operations sa mga nawawala dahil delikado ang landslide area sa mga rescuer.

"Ang [Philippine Institute of Volcanology and Seismology] at MGB, hindi nag-allow na galawin ang lupa kasi malambot pa saka sa taas may crack," ani Sheryl Orbita, municipal administrator ng Makilala.

"Kapag magalaw baka bumigay na naman 'yon, kaya kung magre-rescue baka siya naman ang i-rescue," dagdag ni Orbita.

Itinigil din ang search and rescue operations sa Magsaysay sa mga naiulat na nawawala dahil sa mga pagguho ng lupa.

Delikado umanong pasukin ang mga landslide area lalo at lumaki ang mga bitak sa lupa.

SITIO SA DIGOS, BAWAL NANG TIRHAN

Nagmistulang ghost town naman ang Sitio Bandera sa Barangay Balabag, Digos City.

Idineklara ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang sitio na "no habitation zone."

Tahimik at halos walang tao matapos palikasin ang mga residente dahil sa banta ng pagguho ng lupa.

Nawasak ng lindol ang lahat ng mga bahay sa lugar. Bagaman may ibang nakatayo pa, hindi na rin magagamit ang mga ito dahil natibag ang dingding, natanggalan ng bubong, at nasiraan ng mga poste.

Ilang residente ang bumalik sa lugar para hakutin ang mga gamit sa mga nasirang bahay, pakainin ang mga naiwang alagang hayop, at maglaba.

Isa sa mga dating nanirahan sa sitio si Evangeline Ypil, na umaasa umanong mabibigyan sila ng relocation ng pamahalaan.

Tiniyak naman ni Digos Vice Mayor Johari Bana na mabibigyan ng malilipatan ang mga nasiraan ng bahay.

Pagbabasehan ng rehabilitation ng Digos ang datos mula Phivolcs, ayon kay Bana.

Isang magnitude 6.3 na lindol ang tumama sa North Cotabato noong Oktubre 16, na sinundan ng magnitude 6.6 na lindol noong Oktubre 29 at magnitude 6.5 na lindol noong Oktubre 31.—Ulat nina Ron Gagalac at Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.