Tone-toneladang processed meat products, nasabat sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 04:49 PM

Tone-toneladang processed meat products ang nasabat ng mga awtoridad sa bayan ng Rosales sa Pangasinan Martes dahil sa kakulangan ng kaukulang papeles.

ROSALES, Pangasinan - Higit 10,000 kilong mga imported frozen at processed meat product na walang kaukulang papeles ang nasabat ng mga awtoridad sa isang checkpoint sa bayan na ito Martes.

Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng mga Magsasaka (SINAG), walang naipakitang African swine fever free certificate at NMIS ang ilan sa mga produktong nakompiska.

Tatlong trak na nagkarga ng mga nasabing produkto mula sa Laguna ang nasabat din ng mga awtoridad.

Ayon sa mga awtoridad, hindi alam kung saan nanggaling ang aabot sa 80 na sako ng nasamsam na processed meat products, tulad ng siomai, kikiam, at bola-bola.

Hindi rin nakalagay ang mga ito sa freezer.

Dadalhin sana umano ang mga ito sa mga probinsya ng Pangasinan, La union, at Benguet para ibenta.

Pansamantalang ipinagbabawal sa Pangasinan ang pag-angkat ng mga frozen at processed meat products mula sa ibang probinsiya dahil sa banta ng African swine fever sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.