Mga sasakyang may relief goods dinudumog sa Magsaysay, Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2019 06:29 PM | Updated as of Nov 04 2019 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Pinagkakaguluhan na ng mga biktima ng lindol sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur ang mga sasakyang nagdadala ng tulong sa kanila.

Dahil dinudumog ang mga sasakyan, inihahagis na lamang ng mga nagbibigay ng tulong ang dala-dala nilang relief goods, gaya ng mga damit.

Tiniyak naman ng pamahalaang lokal at Department of Social Welfare and Development na sapat ang suplay ng ipinamamahaging tubig at pagkain.

Pinagkaguluhan din ang ilang truck ng mga biktima ng lindol na wala sa mga evacuation center at nag-aabang na lang ng tulong sa mga dumadaan.

Ayon kay Magsaysay Mayor Arthur Davin, sinubukan nilang dalhin ang mga nag-aabang na biktima sa mga evacuation center pero ayaw umalis ng mga ito sa kinalalagyan.

"We alerted our [Philippine National Police] personnel and army na ise-secure natin 'yong lugar kasi kawawa naman 'yong mga ganun," ani Davin.

Sa mga evacuation center, maayos ang bigayan ng relief goods.

Naghatid din ng tulong ang church group na Your Life in Christ Church mula Digos sa mga evacuee na tinamaan ng landslide o pagguho ng lupa sa bayan.

"Talagang nakakaawa po sila. May traumatic experience man tayo pero 'di tulad sa kanila. May trauma na, wala pang pagkain," ani Pastor Oliver Celin ng Your Life in Christ Church.

Pansamantala namang itinigil ng mga awtoridad ang search and retrieval operation sa 3 taong nawawala dahil sa pagguho ng lupa matapos ideklarang hindi ligtas ang lokasyon ng Mines and Geosciences Bureau.

"Very loose ang lupa doon, possible na kaunting lindol lang, kung may mag-rescue, malaki ang tsansa na matabunan," ani Police Maj. Yancee Golocan, operation chief ng Incident Management Team sa Magsaysay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan naman para sa mga tent ang mga biktima na lindol mula sa bayan ng Magpet, Cotabato, na nasa ilalim ng state of calamity.

"Doon lang ako nakitira sa nanay ko. Tatlo kaming pamilya sa isang kubo," ani Chrisper Dadsang.

"Hintay lang kami kung may darating na suporta rito," ani Dadsang.

Dalawampu't dalawa na ang naitalang bilang ng mga nasawi sa mga lindol sa Mindanao noong Oktubre 29 at 21, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 37,706 pamilya o 188,533 indibidwal ang apektado, ayon sa NDRRMC.

Higit 2,000 aftershocks naman ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) mula noong Oktubre 16 na lindol.

Nagpaalala ang Phivolcs na maging laging handa ang lahat para sa lindol, hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa.

Balak naman ng Metropolitan Manila Development Authority na gawing mas madalas ang shake drill sa Metro Manila.

-- Ulat nina Ron Gagalac, Dennis Datu, at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.