Lalaking lasing nalunod sa irrigation sa Ilocos Norte

Dianne Dy-Asuncion, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 03:15 PM | Updated as of Nov 03 2018 03:56 PM

VINTAR, Ilocos Norte - Nalunod ang isang 31 anyos na lalaki matapos maligo sa irigasyon sa Barangay Parparoroc nitong Huwebes.

Ayon kay Christopher Domingo, niyaya niyang tumungo sa sementeryo para sa Undas ang pinsan niyang si Nixon Domingo nang matapos na silang uminom ng alak.

Pero sa halip na dumiretso sa sementeryo, inaya umano ni Christopher si Nixon na maligo muna sa may irigasyon para aniya mawala ang kalasingan nila.

Habang naliligo, nagulat umano si Christopher nang hindi makita ang kaniyang pinsan. Sa pag-aakalang nagbibiro lamang ito, nagpasya siyang umuwi na lamang.

"Hinanap ko pero nung binalikan ko, andun pala nalunod na," ani Christopher.

Natagpuan ang bangkay ng biktima sa ilalim ng isang ginagawang tulay.

"Sumabit 'yung ulo niya sa bakal ng ginagawang tulay, posibleng nalunod dahil sa kalasingan," ani Chief Insp. Marlon Padamada, hepe ng Vintar police.

Wala namang sinisisi ang pamilya ng biktima, lalo't aksidente naman anila ang nangyari. Aminado rin sila na araw-araw umiinom ng alak ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.