Sanggol natagpuang patay sa septic tank; ina umamin sa pagtapon sa anak

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 04:39 PM

Inalayan ng huling basbas at disenteng libing ang bagong silang na sanggol na natagpuang patay sa septic tank sa Solsona, Ilocos Norte. Larawan mula sa Solsona Police 

SOLSONA, Ilocos Norte – Patay na ang isang bagong silang na sanggol na lalaki nang matagpuan sa septic tank ng isang piggery sa bayan ng Solsona noong Miyerkoles.
    
Ayon sa pulisya, inakala daw ng naglilinis sa piggery na patay na biik ang bumara sa septic tank. Nang lapitan niya ito, dito niya nakumpirma na sanggol pala ito.

“'Yung bata sinuksok sa parang septic tank ng piggery na nakadapa kaya siguro nalunod 'yung bata doon sa dumi ng hayop,” sabi ni Police Capt. Chris Anthony Sorsano, hepe ng Solsona Police.

Huwebes nang bigyan ng huling basbas ng simbahan at disenteng libing ang sanggol.
 
Umamin naman ang ina ng biktima na siya ang nagtapon sa sanggol na sinasabing ipinanganak noong Oktubre 30.

Ang mga opisyal ng barangay ang nagsilbing complainants pero nang maisagawa ang komprontasyon, nagkasundo sa isang joint affidavit of disinterest kaya nagkaroon ng dismissal order ang assistant provincial prosecutor.

Pero para sa pulisya, titingnan nila kung mahahabol pa para sila na lamang ang magsampa ng kaso.

Hindi nagbigay ng pahayag ang taong nakadiskubre sa sanggol maging ang ina nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.