Marcoses, nag-Undas sa Libingan ng mga Bayani

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 11:01 PM

Ginunita ng pamilya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Undas sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), halos isang taon matapos ang kontrobersiyal na libing sa pambansang sementeryo.

Nitong Miyerkoles, muling nagsama-sama ang pamilya Marcos sa puntod ng dating pangulo para sa isang misa.

Para kay dating Senador Bongbong Marcos, kasaysayan ang magpapatunay kung paano aniya gumanda ang Pilipinas sa pamumuno ng kaniyang ama.

"Mabuti naman at naalala pa at napag-aaralan pa ng ating mga kabataan [ang] tungkol sa mga pangyayari. I think that is important, the proper history of what truly happened in his time as president," ani Bongbong Marcos.

Bukod sa iba pang pangulo na nakahimlay sa LNMB, may bulaklak din na ipinadala si Pangulong Rodrigo Duterte kay Marcos.

Sabi ni Bongbong, karaniwan para sa isang pangulo na bigyan ng bulaklak ang lahat ng mga yumaong dating pangulo bilang pag-alala sa kanilang serbisyo sa bansa.

Matinding pagtutol at talakayan mula sa publiko ang sumalubong sa halos sinikretong libing noon.

Kinuwestiyon din ang administrasyong Duterte kung bakit pinayagang malibing ang isa umanong diktador at dating human rights violator sa himalayan ng mga itinuturing na bayani ng bansa.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.