2 opisyal na 'kumita' sa investment info para sa SSS, nagbitiw

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 08:26 PM | Updated as of Nov 01 2017 09:49 PM

Nagbitiw sa puwesto ang dalawang opisyal ng Social Security System (SSS) na idinadawit sa kaso ng pagbili ng stocks na para sana sa ahensiya, ayon sa chairman ng SSS na si Amado Valdez.

Sa reklamong isinampa ni SSS Commissioner Pompee La Viña, pinagkakitaan umano nina Vice President for Equities Investment Division Reginald Candelaria at Fund Management Group Head Ernesto Francisco Jr. ang impormasyong nakuha sa isang accredited stock broker ng SSS.

Sila kasi mismo umano ang bumili ng shares of stocks sa halip na irekomenda ang mga ito sa SSS. 

Kasong grave misconduct at serious dishonesty ang inihain ni La Viña.

Sinampahan din ng kasong administratibo sina Executive Vice President Rizaldy Capulong at Chief Actuary George Ongkeko Jr. dahil pinalusot umano nila ang transaksiyon.

Ngunit ayon kay Valdez, nagbitiw na sa kanilang mga posisyon sina Candelaria at Ongkeko. 

Inilagay na sa "floating status" ang mga opisyal na sangkot sa isyu habang ito ay iniimbestigahan pa. 

Nilinaw ni Valdez, walang nabawas kahit katiting sa pondo ng SSS dahil sariling pera nina Candelaria at Francisco ang ginamit sa pagbili. Nananatili raw na "intact" o hindi nagalaw ang pondo ng SSS mula sa kontribusyon ng mga miyembro. 

Sa isang pahayag, tinawag ni Francisco na "trial by publicity" ang mga pangyayari. 

Hindi na aniya dapat nagsalita sa media si La Viña dahil nasampahan na naman umano sila ng kaso.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ang tatlong opisyal ng SSS pero hindi sila sumagot.

Balak imbestigahan ng Kamara ang mga paratang ni La Viña.

Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, magandang ipagpaliban muna ang planong pagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ng SSS habang hindi pa nalilinaw ang gusot.-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.