Mga sasakyan at pasahero stranded sa Matnog Port dahil sa bagyong Rolly

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2020 10:20 AM

Pila na ang mga truck at ibang sasakyan na stranded sa Matnog Port dahil sinuspende na ng Philippine Coast Guard ang sea trips ng anumang klase ng sasakyang pandagat bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong Rolly. Philippine Ports Authority Matnog

MATNOG, Sorsogon - Aabot na sa 800 katao ang mga na-stranded sa Matnog Port matapos suspendihin ang biyahe ng mga sasakyang pandagat Biyernes ng gabi.
 
Kabilang sa mga na-stranded na sakay ng mga truck at light vehicles ang mga taong maaaring lumabas sa kabila ng quarantine at mga umuwing overseas Filipinos.

Stranded sa Matnog Port alas-6 ng umaga ng Sabado ang nasa 318 na mga truck at 29 na light vehicles.

Biyernes ng gabi nang suspendihin ng Philippine Coast Guard ang biyahe sa dagat.

Ito'y matapos itaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal number 1 sa probinsiya dahil sa papalapit na bagyo. 

Sa kani-kanilang sasakyan muna nananatili ang mga na-stranded habang hinihintay ang evacuation area na ibibigay ng lokal na pamahalaan.

Watch more in iWantTFC