Ilang pasaherong papunta sa Catanduanes, stranded sa Tabaco City Port

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2020 03:56 AM

May iilang pasaherong stranded sa Tabaco City Port dahil sa bagyong Rolly. Larawan mula sa PPA-TMO Tabaco

Ilang pasaherong bibiyahe sana papuntang Catanduanes ang stranded sa Tabaco City Port nitong Biyernes ng gabi dahil sa pagkansela ng RORO ng biyahe bunsod ng paparating na bagyong Rolly. 

Ayon kay Stephen Agnas ng Philippine Ports Authority-TMO, alas-6 sana nitong Biyernes nakatakdang bumiyahe ang mga pasahero pero hindi na natuloy matapos isailalim ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang Catanduanes kinagabihan din. 

Pero kahit aniya wala pang itinaas na TCWS sa Catanduanes, hindi pa rin makakabiyahe ang mga ito dahil alas-2 pa lang ng hapon nitong Biyernes, nagkansela na ng biyahe ang RORO bilang paghahanda sa paparating na bagyo. 

Inaasahang magiging super typhoon ang bagyong Rolly sa loob ng 12 oras, ayon sa pinakabagong weather bulletin ng PAGASA. 

Nagpapasalamat naman si Agnas na kakaunti lang ang bilang ng mga na-stranded na biyahero na pansamantala nilang ililikas sa evacuation center ngayong Sabado.

— Ulat ni Karen Cannon 

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.