10 anyos na babae, pinatay at hinihinalang ginahasa sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 05:25 AM

NEGROS OCCIDENTAL—Natagpuang patay ang isang 10 anyos na babae sa gitna ng tubuhan sa bayan ng Murcia, Negros Occidental Miyerkoles ng gabi.

Hinihinalang ginahasa ang grade 5 student dahil wala na siyang saplot pang-ibaba.

Kuwento ng ate ng biktima, inutusan niya ang kapatid alas-4 ng hapon na pumunta sa tindahan para kunin ang pang-ulam sana nila.

Nang gumabi na, kinabahan sila nang hindi makauwi ang biktima kaya humingi na sila ng tulong sa barangay at mga kapitbahay.

Alas-9 ng gabi nang matagpuang wala ng buhay ang bata sa gitna ng tubuhan. Sa tabi niya ay nakita ang pang-ulam sana nila habang nakita ang kaniyang pang-ibabang saplot ilang metro ang layo.

Madilim, malayo sa highway at napapalibutan ng tubo ang daan patungo sa bahay ng biktima.

Ayon kay Police Maj. Roberto Dejucos, hepe ng Murcia Municipal Police Station, patuloy ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang salarin.

Isasailalim sa pagsusuri ang biktima para alamin ang sanhi ng ikinamatay nito at kung nagahasa.—Ulat ni Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.