Tulong, hiling ng ina para sa 2 anak na may lupus

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2020 05:50 PM

MAYNILA - Itodo man ang pagkayod, hindi pa sumasapat ang kinikita ng isang ginang para sa pang araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya at pagpapagamot sa dalawang anak na may sakit na lupus.

“Kung hindi po sa tulong ng ibang sangay ng gobyerno natin baka hindi rin po kayanin,” pahayag ni Gigi Salvador Camano, residente ng Caloocan.

Watch more in iWantTFC

Sa TeleRadyo, ikinuwento ni Camano ang ginagawang paraan para kahit papaano ay may maiuwing pera sa pamilya.

Nagiisang nagtataguyod ng pamilya si Camano matapos na ma-mild stroke naman ang asawa nito.

Araw-araw, maaga siyang umaalis ng bahay bitbit ang limang malalaking bag na kaniyang nilalako ng bahay-bahay.

“Sa umpisa ng pag area, lakad muna po at pag naubos na uuwi na po ako nagco-commute po ako pauwi,” sabi niya.

Laman ng mga bag ang samu’t-saring paninda tulad ng mga kape, chichirya, at sabong panlaba na kaniyang nabili din mula sa mga grocery.

Sa mga paninda ay kumikita naman umano siya ng nasa P450 hanggang P500.

“Kailangang kayanin,” sabi ni Camano.

Pero hindi pa rin sasapat ang kitang P500 para sa maintenance na mga gamot ng kaniyang dalawang anak na babaeng may sakit na lupus.

Sa isang araw, pitong mga gamot ang iniinom ng bawat isang anak.

“P425 sa isang araw, 7 gamot iniinom para sa isang bata kaya hindi talaga kakayanin. Gumagawa pa rin naman po ako ng paraan. Kailangan din po akong magsikap para ma avail ko pa rin gamit ng mga bata,” sabi niya.

Nangako naman si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ng tulong para sa pagpapagamot sa kaniyang dalawang anak.

Pinangunahan na rin niya ang pagpapaabot ng pasasalamat sa mga nagnanais na tumulong sa kaniyang pamilya.

Maari umanong magpaabot ng donasyon sa GCASH: Gigi Salvador Camano, 0929-896-3478.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.