Mga taga-Bicol todo-paghahanda na sa bagyong Rolly

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2020 07:57 PM | Updated as of Oct 30 2020 10:53 PM

Natatakot ang ilang residente lalo na't hindi pa sila nakakabangon sa epekto ng nagdaang bagyong Quinta. Screengrab

TIWI, Albay — Naghahanda na ang mga taga-Bicol region sa inaasahang bagsik ng bagyong Rolly, na posibleng bumayo sa rehiyon pagsapit ng Linggo.

Natatakot ang ilang residente lalo na't hindi pa sila nakakabangon sa epekto ng nagdaang bagyong Quinta.

Kaya si Pedro Constante, Biyernes pa lang ay inaayos na ang mga sandbag na ginawa niyang pabigat sa bubong ng kanyang bahay sa Barangay Maynonong, Tiwi, Albay.

Watch more in iWantTFC

Ikinababahala niya kung magdala ng mas malakas na ulan ang bagyo.

Delikado kasi sa landslide ang buong barangay dahil nasa harap lang sila ng bundok. Gumuho na ito magdadalawang taon na ang nakakaraan at maraming bahay ang natabunan.

Nakabalot naman na ang mga gamit ni Josefa Clapis sakaling palikasin na sila.
    
"Nababahala kasi kami kung mag-ano naman, mag-landslide. Kawawa kami dito, mahirap talaga kapag hindi ka lumikas," aniya.

Bukod sa landslide, nahaharap din sa panganib ng daluyong o storm surge at baha ang mga residente.

"Ang assumption po natin laging worst case scenario kaya pag nag-e-evacuate po tayo ini-evacuate po natin ang mga nasa high-risk areas," ani Manuel Damo, opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Tiwi.

Sa kabuuan, mahigit 3,000 pamilya ang dapat nang palikasin sa Sabado o sa Linggo pag lumakas na ang ulan.

CAMSUR

Sa Camarines Norte naman, naghahanda na rin ang mga mangingisda sa bayan ng Paracale.

Itinabi na nila ang kanilang mga bangka dahil lumalaki na ang mga alon. Inayos na rin ng ibang residente ang bubong ng kanilang bahay.
    
Sa Jose Panganiban naman, pinutol na ang mga sanga ng mga puno habang inilayo na rin sa dalampasigan ang mga bangka.

Ipatutupad din ang forced evacuation sa Linggo.

—Ulat ni Jose Carretero

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.