'Bilhin ang RFID sticker sa authorized retailers para iwas-aberya sa cashless toll'

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2020 07:37 PM

Dumaraan ang ilang motorista sa RFID lanes ng Balintawak tollway sa North Luzon Expressway. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Nagpaalala ang ilang toll operator na kung maaari ay huwag bilhin ang mga radio-frequency identification sticker mula sa mga reseller at tangkilikin ang kanilang mga authorized retailer, ngayong naghahanda ang mga motorista sa mandatory cashless toll transactions na sisimulan sa Disyembre.

Gagawing cashless ang singil ng mga toll operator para malimitahan ang coronavirus disease (COVID-19) transmission at magkaroon ng physical distancing.

Paliwanag ng mga toll operator, posibleng mali ang mabiling klase ng sticker at mali ang pagkakalagay nito sa sasakyan.

"The reason we encourage people through our people our people obviously knows how to install it, there is a testing mechanism or handheld device to read in the proper vehicle," ani Junji Quimbo, tagapagsalita ng Metro Pacific Tollways Corp.

Watch more in iWantTFC

Magiging problema anila ito sa mga toll plaza at posible pang magdulot ng traffic. Maaari pang maharap sa traffic violation ang mga motorista kapag nangyari ang aberya pagdating ng deadline.

"Kung papasok ka na walang sticker, you might be cited for traffic violation na pumasok ka sa expressway na wala kang RFID. If you will obstruct the traffic flow kasi hindi ka makakapasok that will be a violation already you might be cited sa diregarding traffic sign or obstruction of traffic," ani Abraham Sales, MPTC Executive Director.

Sa social media may mga nagbebenta umano ng RFID sticker. Umaabot sa P900 ang presyo. Libre naman ang pagpapakabit ng sticker at bibilhin ang load na P500.

Para naman sa mga may tamang sticker pero hindi gumagana nang maayos o kaya kinain ang load, may mga nakaantabay na mag-aasikasong staff ng toll plaza.

Magdamag na bubuksan ang installation site maliban na lang kung malakas ang buhos ng ulan.

Pinaghahandaan din ng toll operators ang Undas kahit hindi na katulad ng dati ang inaasahang pagdami ng mga motorista.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.