Traffic management plan ng MMDA para sa Undas nakalatag na

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakalatag na ang traffic management plan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magbigay ng ayuda sa mga biyahero sa Undas.

Tinukoy ni MMDA traffic czar Bong Nebrija ang mga traffic chokepoint para mapaghandaan ng mga motorista.

"Aside from the bus terminals in Pasay and in Quezon City, 2 sa critical areas na tinitingnan natin ang exit points to [North Luzon Expressway] at [South Luzon Expressway]. That's Magallanes and Balintawak," ani Nebrija.

"'Yong sa inner road, 'yong Mindanao Avenue... truck route 'yan, may simbahan diyan so maraming naka-obstruct diyan," dagdag ni Nebrija.

Lifted naman umano ang coding ng provincial buses simula Huwebes, Oktubre 31 hanggang Lunes, Nobyembre 4.

Lilinisin din ang mga naka illegal parking sa Mabuhay Lanes para hindi magkaproblema sa mga rutang dadaanan ng mga public utility vehicle.

Nagtalaga naman ang ilang lokal na pamahalaan ng parking spaces sa mga sementeryo, na hindi gagalawin ng MMDA at walang huhulihin kahit naka-one-side parking o naka-double parking.

"Hindi tayo manghuhuli ng illegal parking sa vicinity except kapag 'yong sasakyan mo talaga nakabalagbag at nakakaistorbo ka sa flow ng traffic, ito-tow natin," ani MMDA general manager Jojo Garcia. 

Aabatan din ng MMDA ang mga posibleng aksidente lalo at marami ang sabayang magbibiyahe.

"Just make sure 'yong mga sasakyan niyo road-worthy para iwas-aksidente," ani Garcia.

Iginiit ng MMDA na hindi tutukod ang trapiko kung susunod lang ang mga motorista sa mga patakaran at magiging alerto sa mga signage at advisory.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.