Mga pamilya inilikas, mga gusali napinsala kasunod ng bagong Mindanao quake

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 04:32 PM | Updated as of Oct 30 2019 08:57 PM

Sa temporary shelters gaya ng mga tent muna tumutuloy ang mga inilikas na pamilya mula sa 2 barangay sa Kidapawan City kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Mindanao noong Martes. Dennis Datu, ABS-CBN News

(UPDATE) Libo-libong pamilya ang inilikas, maraming gusali ang nakitaan ng mga bitak, at patuloy na nadadagdagan ang naiuulat na patay dahil sa malakas na lindol na yumanig sa Mindanao noong umaga ng Martes.

Umabot na sa walo ang namatay sa iba-ibang lugar sa Mindanao matapos ang magnitude 6.6 na lindol, ayon sa mga ulat, habang halos 400 na ang nasugatan.

Higit 4 milyong estudyante na ang apektado ng lindol sa halos 8,000 eskuwelahan, ayon sa tala ng Department of Education (DepEd).

Suspendido mula noong Martes ang klase sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao, Northern Mindanao, Davao region, at Soccsksargen.

Watch more in iWantTFC

BANTA NG LANDSLIDE SA KIDAPAWAN

Sa Kidapawan City, higit 1,000 pamilya mula sa 2 barangay ang inilikas dahil sa banta ng landslide.

Umapela rin para sa donasyon at tulong sa mga apektadong residente si Kidapawan Mayor Joseph Evangelista gaya ng tents, sleeping mats, at mga kumot.

Nananatili sa mga evacuation center at temporary shelter, gaya ng mga tent, ang mga pamilyang inilikas mula Barangay Balabag at Barangay Ilumabis, na nasa paanan ng Mount Apo, ayon kay Evangelista.

Problema naman ng mga residenteng tumutuloy sa mga tent ang madalas na pag-ulan.

Nakita ng mga awtoridad ang maliliit na landslide nang inspeksiyunin ang lugar kasunod ng lindol kaya nangamba silang maaaring magkaroon ng malaking landslide.

Humaba, lumaki at dumami rin ang mga bitak sa lupa sa 2 barangay, na unang nakita matapos ang magnitude 6.3 na lindol sa Mindanao noong Oktubre 16.

Maraming mga gusali gaya ng mga hotel, ospital, at paaralan ang hindi muna ginagamit dahil nakitaan ng mga bitak kaya inaalam ng mga awtoridad kung ligtas ang mga ito, ani Evangelista.

Ang mga pasyente sa mga ospital ay inilipat naman sa covered courts at tents.

Dagdag pa ni Evangelista sa Nobyembre 4 na mababalik ang pasok sa mga eskuwelahan para bigyang-daan ang pag-aayos sa school buildings.

Namahagi naman ngayong Miyerkoles si Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista ng relief goods at binisita ang evacuees sa Kidapawan at Tulunan, Cotabato.

Nagpadala na ang ahensiya ng tents at hygiene kits para matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol, ayon kay Bautista.

SEARCH AND RESCUE SA MAGSAYSAY

Nagsagawa naman ngayong Miyerkoles ng search and rescue operations ang pamahalaang lokal ng Magsaysay sa Davao del Sur para makita ang mga nawawalang pinaniniwalaang natabunan ng lupa.

Nagkaroon ng mga pagguho ng lupa sa Barangay Tagaytay at Barangay Upper Bala. Gumuho rin ang malaking bahagi ng isang bundok na malapit sa ilog.

COTABATO

Umabot naman sa 5 ang namatay sa Cotabato province, base sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Dalawa sa mga nasawi ay mula sa bayan ng Arakan at tig-isa naman sa mga bayan ng Tulunan, Makilala, at Carmen, ayon sa PDRRMO.

Watch more in iWantTFC

Sa bayan ng Makilala, 4 ang naiulat na nawawala dahil sa gumuhong bahagi ng bundok sa Barangay Bato.

Nakitaan naman ng malalaking bitak ang loob ng munisipyo ng Tulunan, ang bayan kung saan naitala ang sentro ng lindol.

Nabasag din ang mga salamin, natanggal ang ilang ilaw, at nasira ang mga kisame ng munisipyo.

Sa Digos City, sarado ang lahat ng mall at public market ng lungsod dahil sa matinding pinsala.

Sa Tagum City, nagsuot ng helmet ang mga tauhan ng lokal na Department of Social Welfare and Development bilang proteksiyon sa lindol.

Patuloy na nakararanas ng aftershocks ang ilang bahagi ng Mindanao kaya inabisuhan ng mga awtoridad ang mga residente na maging alerto.

-- Ulat nina Dennis Datu, Arianne Apatan, at Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.