Construction worker patay nang saksakin ng bayaw

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2018 06:55 PM

PIDDIG, Ilocos Norte - Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kaniyang bayaw sa bayang ito Linggo.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang biktimang si Reynaldo Marcos kasama ang mga suspek na sina Valentin Balisa at Sonie Tallon, at iba pa nilang mga kamag-anak sa isang birthday party sa bayan ng Piddig.

Nagkairingan umano ang magbayaw na sina Marcos at Balisa kaya sila nagsuntukan.

Umalis si Marcos at nang bumalik ay may dala na itong mahabang patalim.

Dito na nagkagulo at sinuntok ni Tallon sa ulo ang biktima.

"Nang nasuntok ang ulo, napahiga ito. Naagaw ang patalim, dito na siya sinaksak ng kaniyang bayaw," kuwento ni SPO2 Christopher Tungpalan.

Dead on arrival sa ospital si Marcos. Ayon sa kaniyang pamilya, wala silang alam na away sa pagitan ng magbayaw, at maaring nagkairingan ang dalawa dahil sa sobrang kalasingan.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang suspek na haharap sa kasong homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.