P19-M halaga ng marijuana nasamsam sa Angeles City buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2020 06:47 PM

Sumatutal, nasa 162 kilo ang kabuuang bigat ng nakuhang marijuana na hindi bababa sa P19,400,000 ang street value. Retrato mula sa Angeles City Police Office

ANGELES CITY, Pampanga — Mahigit P19-milyong halaga ng hinihinalang marijuana ang nakuha ng mga awtoridad sa ikinasa nilang buy-bust operation sa lungsod na ito nitong Huwebes. 

Sa tala ng Angeles City Police Office, aabot sa 155 bricks at 16 vacuum-sealed tubes ng hinihinalang dried marijuana at stalks ang kanilang nakuha sa sasakyan ng mga suspek matapos magkapalitan ng marked money. 

Sumatutal, nasa 162 kilo ang kabuuang bigat ng nakuhang marijuana na hindi bababa sa P19,400,000 ang street value.

Arestado ang 1 lalaki at 1 babae na pawang taga-Cavite umano.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

—Mula sa ulat ni Gracie Rutao 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.