Magpinsan sugatan sa banggaan ng MPV, delivery truck sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2020 02:23 AM

Kinailangan pang rumesponde ng mga medic, traffic enforcer, pulis at rescuer para maialis sa pagkakaipit sa manibela ang babaeng driver ng MPV, habang sugatan din ang pinsan niya sa aksidenteng naganap sa bayan ng Abucay. Handout

Nasugatan ang dalawang magpinsan matapos bumangga ang kanilang sinasakyang MPV sa isang delivery truck sa bayan ng Abucay, Bataan, Miyerkoles ng umaga.

Kinailangan pang rumesponde ng mga medic, traffic enforcer, pulis at rescuer para maialis sa pagkakaipit sa manibela ang babaeng driver ng MPV, habang sugatan din ang pinsan niya.

Wala naman tinamong sugat ang mga sakay ng delivery truck.

Sa inisyal na imbestigasyon, papunta ang truck sa bayan ng Mariveles, para mag-deliver ng mga essential goods habang papuntang Pampanga naman ang MPV para magpakabit ng RFID.

Biglang prumeno umano ang sasakyang nasa unahan ng truck, kaya kinabig niya ang manibela pakaliwa, dahilan naman para sumalpok siya sa parating na MPV.

Kaagad naman itinakbo sa ospital sa lungsod ng Balanga ang mga sugatang biktima habang nasa kustodiya na ng PNP ang driver at pahinante ng truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.