Imbestigasyon sa 'nanggulping' ambassador pinayagan na

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2020 09:35 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — May go signal na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon laban sa ambassador ng Pilipinas sa Brazil na nahuli sa CCTV na nananakit ng kaniyang kasambahay, na kapwa Pilipina rin. 

"Pinayagan na po ng Presidente ang Department of Foreign Affairs na imbestigahan ang dating Philippine ambassador to Brazil na si Marichu Mauro," ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Sa ilalim ng Republic Act 7157 o Philippine Foreign Service Act of 1991, kailangan ang utos ng Pangulo bago maimbestigahan ng Board of Foreign Service Administration ang isang ambassador: "[T]hat the chiefs of mission who are commissioned by the president as ambassadors extraordinary and plenipotentiary shall not be investigated by the board or separated from the service unless there is an express written directive from the president."

Maaalalang ni-recall na ang assignment ni Mauro at pinauuwi na siya sa Pilipinas para magpaliwanag sa kaniyang ginawang panggugulpi sa 51 anyos Pinay helper. 

Bukod naman sa kasambahay, iniimbestigahan din ng Public Ministry of Labor ng Brazil kung may iba pang empleyadong pinagmalupitan si Mauro.

Ayon sa ilang Brazil media, 12 ang empleyado sa embahada ng Pilipinas doon, pero 3 sa kanila ay mga Brazilian local hire.

Ayon pa sa local media, hindi magiging madali ang imbestigasyon dahil sakop ng diplomatic immunity si Mauro at hindi basta-basta makakasuhan doon o maaaresto.

Hanggang ngayon ay hindi pa nagbibigay ng pahayag si Mauro.

—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.