Binata, nagbebenta ng artwork para makatulong sa inang may sakit

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2020 03:54 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Isang 20-anyos na binata ang nagbebenta ngayon ng kaniyang mga naipong artwork para makatulong sa pagpapagamot sa ina.

Ayon kay Fredick del Mundo ngayong Miyerkoles, nasa intensive care unit ang 62-anyos nilang ina sa isang ospital sa Imus, Cavite.

“October 23 gabi nahirapang huminga. Hinahabol niya hininga niya. Nag-decide mga kapaitd ko dalhin siya sa hospital sa San Pedro (Laguna),” sabi ni del Mundo sa isang panayam sa TeleRadyo.

Aniya, inilipat sa ospital sa Imus ang ina dahil doon lang may bakanteng ICU.

“Hindi pa daw po siya ilalabas hanggang hindi ok,” sabi ni del Mundo.

Negatibo naman umano sa COVID-19 ang ginawang swab test sa kaniyang ina. Napag-alaman rin nila sa findings ng ospital nitong Martes na may impeksiyon sa baga ang ina.

Para makatulong sa pamilya, nagdesisyon ang bunso sa pitong magkakapatid na ibenta na lamang ang mga artwork na kaniyang ginawa.

May apat na taong na umano siyang nahihilig sa pagdo-drawing.

“‘Di naman po ako interesadong mag-drawing. Na-improve ko lang nung senior high hanggang ngayon,” kuwento niya.

Watch more in iWantTFC

Samantala, nangako namang tutulong sa pamilya del Mundo ang San Pedro City government, ayon sa alkalde nitong si Lourdes Cataquiz.

“Makipagkita lang siya sa aming CSWD (City Social Welfare Department) o sa aking tanggapan mismo. Tutulungan namin silang makapag-avail ng financial assistance,” sabi ni Cataquiz.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.