Mga balikbayan nasasamantala matapos mawala ang Red Cross testing: Gordon

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 07:55 PM | Updated as of Oct 27 2020 09:49 PM

Nagsasagawa ng swab test ang isang Red Cross worker. Philippine Red Cross

MAYNILA — May nagsasamantala at nakikinabang umano sa pagtigil ng Philippine Red Cross (PRC) sa kanilang COVID-19 tests bunsod ng hindi pagbabayad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanilang higit P1 bilyong utang.

Sa virtual press conference nitong Martes, sinabi ni Sen. Richard Gordon, chairman ng PRC, na partikular na sinasamantala at pinagbabayad nang mahal sa COVID-19 tests ang dumarating na mga balikbayan, dual citizens, at foreigners sa mga paliparan. 

Watch more in iWantTFC

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) daw, sinasalubong ang mga balikbayan at dinadala sa private testing laboratories kung saan aabot sa P20,000 ang singil sa testing, na dati ay naglalaro lang sa P4,500.

Sabi ni Gordon, kapag kailangan ang resulta sa loob ng 24 oras ay P10,000 ang singil pero kung gustong mas mabilis ay papalo daw sa hanggang P20,000.

May nagsasamantala rin aniya sa pagtatagal ng mga OFWs sa mga hotel habang naghihintay ng resulta sa COVID-19 tests. 

Muling iginiit ni Gordon na hanggang hindi binabayaran ng PhilHealth ang utang nito sa Red Cross na aabot ngayon sa P1.1 bilyon, hindi sila magsasagawa ng COVID-19 tests.

Nitong Martes ng gabi, sinabi ng PhilHealth na babayaran na nila ang kalahati ng utang nito sa PRC. 

—May ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.