Manila North Cemetery binisita bago isara sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 11:53 AM | Updated as of Oct 27 2020 12:33 PM

Manila North Cemetery noong Setyembre 10, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Dahil gumanda na ang panahon matapos ang dumaan na bagyo, nagdatingan na uli ngayong Martes sa Manila North Cemetery ang mga nais dumalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay bago isara ang mga sementeryo sa Undas.

Pero dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease, kaunti pa rin ang bilang ng mga taong pumupunta ngayon sa isa sa mga pangunahing sementeryo sa Metro Manila, kumpara noong mga nakaraang taon.

May mga nakalatag ding health protocol para sa mga nais bumisita, gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang temperatura ng mga bumibisita sa entrance at ipinagbabawal din ang pagsasama ng mga bata.

Watch more in iWantTFC

"Walang gaanong tao, hindi masikip. Okay na 'yong ganito. Kahit tradisyon 'yong a-uno, okay 'yong ganito," ani Melvin Legaspi, isa sa mga bumisita sa Manila North Cemetery.

"Mas maganda pa rin 'yong tradisyon dapat tuparin. Noon family, magkikita talaga lahat ng pamilya. Ngayon, hindi na kami nagkausap-usap," sabi naman ni Analyn Legaspi.

Hanggang Miyerkoles na lang pinapayagan ang paglilinis ng mga puntod kaya inaasahan umanong may mga hahabol para magpintura at magwalis sa loob ng sementeryo.

Nauna nang ipinag-utos ng gobyerno na isara ang lahat ng sementeryo sa buong bansa simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 para maiwasan ang dagsa ng mga tao sa Undas, na maaaring maging sanhi ng hawahan ng COVID-19.

Sa Dangwa Flower Market, bagsak-presyo na ang mga bulaklak dahil sa tumal ng bentahan, ayon sa mga nagtitinda.

Aabot sa P100 ang ibinaba ng presyo ng ilang bulaklak, na karaniwang mabenta tuwing Undas.

Ayon sa mga nagtitinda, sayang lang ang mga bulaklak kung hindi maibebenta pero inaasahan nila ito dahil sa pandemya.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.