10 timbog sa anti-drug ops sa Camanava

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 05:42 AM

MAYNILA - Sa kulungan ang bagsak ng 8 lalaki at 2 babae sa apat na magkakahiwalay na anti-drug operation sa Caloocan, Malabon, Valenzuela, at Navotas nitong Lunes.

Sa Caloocan, dalawang lalaki ang timbog matapos mahuli ng mga pulis habang nagpapalitan sila ng ilegal na droga sa Brgy. 160.

Ayon sa PNP, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa ilegal na gawain na ginagawa ng dalawang residente sa lugar. Nakumpiska sa kanila ang nasa P7,000 halaga ng hinihinilang shabu.

Sa Malabon, tinatayang higit P238,000 na halaga ng umano'y shabu ang nakumpiska ng pulisya sa buy-bust operation sa Brgy. Muzon. Timbog din sa operasyon ang 2 lalaki at 3 babae na nakatransaksyon ng police poseur-buyer.

Sa Navotas City, arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng mga pulis ng 14 na sachet ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Brgy. San Jose.

Sa Valenzuela City, 2 lalaki ang nalambat ng PNP sa kanilang operasyon sa Marulas, kung saan nakumpiska sa mga suspek ang nasa P272,000 na halaga ng ilegal na droga at isang kalibre .45 na baril.

Pawang mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.