19 anyos na babae hinalay, pinatay

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2019 07:40 AM

Natagpuang patay at hubad ang isang 19-anyos na babae sa isang liblib na lugar sa bayan ng Janiuay, Iloilo nitong Sabado ng gabi.

May tama ng saksak sa tiyan ang biktimang si Ronalyn Brabio at nakatali sa malaking kahoy.

Ayon sa tatay ng biktima na si Mang Rolando, nagpaalam ang kaniyang anak na bibili sa tindahan sa kanilang lugar alas-5 ng hapon, Sabado.

Pero nakalipas na ang isang oras ay hindi pa rin nakauwi ang biktima kaya't hinanap na nila ito.

"Una naming natagpuan yung tsinelas niya tapos yung cellphone niya nakita ng kanyang nobyo. Tinawagan so umilaw. Tapos nakita namin ang katawan malapit doon," ani Rolando.

Nahuli kaagad ng pulisya, sa tulong ng ilang residente, ang 14-anyos na itinuturong isa sa mga humalay at pumatay sa biktima.

Isa pang suspek ang pinaghahanap ng mga pulis na itinuro namang utak sa krimen.

"Binaboy nila ang anak ko. Dapat mahuli kasi kung hindi, marami pa ang kanilang mabiktima. Grabe yung ginawa nila. Kung pwede lang sana patayin din sila," ani Rolando.

Estudyante ng isang unibersidad sa Iloilo ang biktima at may kursong BS Management. Umuwi lang ito sa kanilang lugar dahil semester break na.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang mga damit ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.