ALAMIN: Mga patakaran sa training ng collegiate athletic teams

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2020 05:57 PM | Updated as of Oct 26 2020 08:18 PM

Ipinepresenta ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera ang guidelines sa training ng mga collegiate athletic team. Screengrab

Pinapayagan na ang on-campus stay-in training ng mga collegiate athletic team sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ basta't nasusunod umano ang mga panuntunang inilabas ng Commission on Higher Education (CHED).

Ginawa ang guidelines ng isang technical working group na binubuo ng CHED, Department of Health (DOH), Philippine Sports Commission, mga higher education institution (HEI) o kolehiyo at mga pamantasan, at iba pang concerned stakeholder.

Batay sa mga panuntunan, dapat magsumite ang HEI ng certificate of compliance kalakip ang kagustuhan nitong muling magsimula ng training activities.

Kasama rin sa mga isusumite ang listahan ng student-athletes, staff, health declaration forms, at koordinasyon sa local government unit (LGU) para sa intra- at inter-zonal movements.

Bago simulan ang training, dapat may task force on-site ang eskuwelahan, na binubuo ng athletics director, team doctor at student health representative.

Nililimitahan naman sa body conditioning ang mismong training. Para lamang ito sa non-body contact drills at individual skills development training. 

Hindi mandatory ang COVID-19 test para sa mga lalahok sa training, pero inirerekomenda ang 14-day quarantine para sa student-athletes bago sumabak sa training.

Watch more in iWantTFC

Sakaling may mag-positibo na atleta o staff, sususpendehin ang training at iba pang aktibidad.

Nakapaloob na rin sa guidelines ang pagsunod sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), DOH at LGU protocols, kasama ang mga panuntunan sa disinfection, contact-tracing at iba pa. 

Maaaring patawan ng written reprimand o suspension ang HEI na lalabag sa guidelines.

Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera ngayong Lunes, dapat ipakita ng mga kolehiyo at pamantasan na kaya nilang sumunod sa panuntunan. 

"We have to show that protocols can be observed. We have to show that the health of the athletes are protected," ani De Vera.

"Then, if we do a good job, I think it will be much easier now to go to the IATF and say, 'O nag-practice na kami, maganda ung aming ginawa, tulung-tulungan kami, we are now planning to open tournaments," dagdag niya.

"We are really hoping that if the horizon becomes more positive than it is right now, by early 2021, we can already start to resume physical training with strict compliance dito sa ginawang guidelines," sabi naman ni Francisco Diaz, dean ng University of the Philippines College of Human Kinetics.

Isusumite ng CHED ang guidelines sa IATF ngayong linggo.

Ayon naman sa mga kinatawan ng University Athletic Association of the Philippines, National Collegiate Athletic Association, at iba pang HEI, may virtual training naman nang isinasagawa ang mga atleta mula nang mag-lockdown.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.