Babae arestado dahil sa umano'y extortion

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 09:08 PM

LAOAG CITY – Timbog sa entrapment operation Huwebes ng umaga ang isang 58 anyos na babae mula Bacarra, Ilocos Norte dahil umano sa extortion o pangingikil.

Nakatanggap ng reklamo ang mga pulis sa na-biktima ng suspek sa kaniyang pangingikil kaya nagsagawa ng entrapment operation.

Nakuha sa suspek ang P4,000 na pera na ginamit ng mga pulis bilang ebidensiya.

Kuwento ng biktima, hiningan siya ng pera ng suspek kapalit ng paglaya ng kaniyang asawa na nakakulong dahil sa ilegal na droga.

May kapit umano ang suspek sa mga matataas na tao.

"A few days ago po, lumapit itong biktima sa atin. Ikinuwento kung paano siya hiningan nitong suspek na allegedly daw, humihingi siya ng pera, kapalit raw ng paglaya nung relative nitong biktima natin mula provincial jail," ani Insp. Norman Pentang, chief investigator ng Laoag City Police Station.

Ginamit pa umano ng suspek ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"According to our victim, nagpakilala siya (suspek) na may mga koneksiyon daw siya na magpapa-pirma raw sila sa ating pangulo para mapirmahan ‘yung release order ng kanilang relative," ani Pentang.

Hindi naman nagbigay ng detalyadong pahayag ang suspek at itinanggi lamang ang mga bintang sa kaniya.

Umabot na umano sa P100,000 ang nakuha ng suspek sa biktima.

Inaalam pa ng pulisya kung may mga iba pa itong nabiktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.