Mga kumukuha ng RFID sticker dumagsa

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2020 03:45 PM | Updated as of Oct 25 2020 06:15 PM

Pila ng mga sasakyang kumukuha ng RFID sticker sa may Manila-Cavite Expressway noong Oktubre 25, 2020. ABS-CBN News

Dumagsa ngayong Linggo ang mga kumukhua ng RFID sticker sa mga toll plaza bago ang pagpapatupad ng full cashless transaction sa Nobyembre 2.

Umaga pa lang, mahaba na ang pila ng mga kumukuha ng RFID sticker sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex).

Bandang alas-7 ng umaga, umabot nang higit 500 metro ang pila sa installation booth sa northbound lane. Mula naman sa may area ng bagsakan ng isda ang dulo kung pa-southbound.

Isa sa mga nagtiis sa pila ang motoristang si Rookie Santos.

"Magtiis na lang po para makakuha kasi weekend lang din po ako puwede. So, pipila talaga ako," ani Santos.

Minabuti na rin ng truck driver na si Arwin Matela na humabol sa pagkuha ng sticker para iwas-hassle.

"Kailangan pong kumuha kasi lagi bumabiyahe," aniya.

Watch more in iWantTFC

Sa advisory, simula Nobyembre 2, contactless na ang transaksiyon sa mga toll gate bilang pagsunod sa direktiba ng Department of Transportation ngayong may COVID-19 pandemic. Ibig sabihin, wala nang booth sa expressway ang tatanggap ng cash.

Pero hindi naman nangangahulugang hindi makakadaan ng mga expressway ang mga motoristang wala pang RFID.

Halimbawa, sa Cavitex, may mga installation lane kung saan dapat magpakabit muna ang motorista ng RFID sticker.

Walang bayad ang sticker pero kailangan ng initial load na P200.

Nasa 7 hanggang 10 minuto ang proseso ng pagpapakabit ng sticker.

May activation team din ang Metro Pacific Tollways Corp. na puwedeng pumunta sa mga barangay para mag-install ng sticker, na puwedeng i-request sa kanilang Facebook page.

Samantala, pinalawig ng San Miguel Corp. ang pag-isyu ng RFID stickers hanggang Nobyembre 30 dahil marami pa ring motorista ang wala nito.

Pero pagkatapos umano ng petsang iyon, hindi na puwedeng dumaan ng Skyway, South Luzon Expressway, NAIA Expressway, Star Tollways, at Tarlac-Pangasinan -La Union Expressway ang mga walang RFID.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.