Ilang pamilya sa Calamba pinalikas dahil sa baha

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2020 12:13 PM | Updated as of Oct 25 2020 07:08 PM

Binaha ang ilang lugar sa Calamba City, Laguna noong gabi ng Sabado dahil sa malakas na buhos ng ulan. Retrato mula sa Barangay Bucal Quick Response Team

(UPDATE) Pinalikas noong gabi ng Sabado ng lokal na pamahalaan ng Calamba, Laguna ang ilang residente ng lungsod dahil sa mataas na pagbahang dulot ng malakas na pag-ulan.

Ayon kay Marilyn Aurino, team leader ng quick response team (QRT) ng Barangay Bucal, nagkaroon ng pagbaha sa maraming parte at umabot pa sa bubong ng mga bahay ang tubig kaya pinalikas ang mga apektadong residente.

Nasa 42 tao ang nasa barangay hall evacuation site ngayon.

Pero ayon kay Aurino, may mga pamilya pa ring ayaw iwanan ang kanilang mga bahay.

Nitong madaling araw ng Linggo, humina na ang ulan at nadaanan na ulit ng mga motorista ang mga binahang pangunahing kalsada.

Watch more in iWantTFC

Tuloy-tuloy naman ang pagbabantay ng QRT lalo at papalapit pa lang ang bagyong Quinta.

Kabilang ang Laguna sa mga lugar na isinailalim sa tropical cyclone warning signal no. 1 ng PAGASA.

Mag-iikot pa ang QRT sa iba't ibang lugar para mahikayat ang mga residente na lumikas, ani Aurino.

Sa Laguna, may naitala ring pagguho sa Majayjay-Lucban Road dahil sa malakas na pag-ulan.

Patuloy naman ang clearing operations ng mga pulis at Department of Public Works and Highways.

Sa Tabaco City, Albay, inilikas nitong umaga ng Linggo sa simbahan ng St. John the Baptist Church ang mga residente ng Barangay Santo Cristo at San Roque.

Ayon sa Tabaco City Disaster Risk Reduction and Management Office, lantad sa banta ng baha at storm surge ang mga residente.

Sama-sama ang pamilya sa simbahan pero ipinapatupad pa rin ang physical distancing at pagsuot ng face mask.

May iba pang simbahan at mga pribadong bahay ang nagsilbing evacuation center.

Nasa 10,000 residente mula sa 47 barangay sa lungsod ang target na mailikas, kasama iyong mga nakatira sa mga bahay na gawa sa light materials.

Inilikas na rin ang 17 stranded sa Tabaco Port na ba-biyahe sana papuntang Catanduanes noong Sabado.

Sa Buhi, Camarines Sur, inilikas ngayong Linggo ang mga residenteng nakatira sa tabi ng Buhi Lake.

Nasa 4,000 pamilya namang nakatira sa landslide-prone at flood-prone areas sa Iriga City ang inilikas ng lokal na pamahalaan.

May naitala ring pagguho sa national road ng Barangay Bagong Sirang sa Presentacion, Camarines Sur.

-- Ulat nina Jekki Pascual, ABS-CBN News, at Karren Canon at Jonathan Mahistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.